Blog Awards Challenge 3 Winner (Excellence): Pen Palaboy

Winning Entry Title: Ang Pangalan ko ay Pen Palaboy [Original Link]

Winning entry is reprinted below.
-----

Ako si Pen Palaboy. Hindi ko tunay na pangalan subalit mas kilala sa ganyang bansag. Ilang taon na din ang nakalilipas noong una kong bininyagan ang sarili sa ganyang tawag. Napagtanto ko, bakit nga ba tila nakatayo ako sa likod ng pangalang ito? Wala naman akong kinatatakutan o pinagtataguang nilalang. Totoo naman ako sa aking sarili, sa aking ipinahahayag at sa aking isinusulat. Totoo ako sa lahat ng nakakakilala sa akin. Subalit sa kabila ng lahat, bakit pinili ko pa ring maging anino ng isang pangalang binuo lamang ng aking pag-iisip? Sa totoo lamang, kung hindi dahil sa challenge na ito, hindi ko maitatanong ang sarili kung bakit kailangang magkaroon ako ng pen name.

Napagisip-isip ko na marahil para sa karamihan, ang pagkakaroon ng isang alyas ay isang paraan para magkaroon ng misteryo ang kanilang identity. Naroon nga naman ang thrill kung hindi kilala ng mga mambabasa ang tunay na pagkatao ng may akda, kung baga isang blind item pagdating sa usapang showbiz. Malaya nilang nasasabi ang nais nilang isiwalat nang hindi nalalaman kung sino ang tunay na nilalang sa likod ng pangalan. Ngunit sino nga ba naman ako upang magsalita para sa kanila? Hindi ko hawak ang kanilang saloobin at pagkatao sa usaping ito. Para sa akin, sa tuwing nag-uumpisang maging aktibo ang panulat ko, isang panibagong nilalang ang nabibigyang buhay. Isang katauhang malayo sa AKO sa pang-araw araw na pamumuhay. Sa pagkakataong iyon, naihahayag ko ang nais kong sa sabihin sa paraang alam kong gawin.

Sa realidad, ang katawang lupa ay nakatali sa maraming bagay: trabaho, bahay at pamilya. Mga bagay na dapat pagtuunan ng pansin at ng oras. Kahit anong paraan ay hindi kailanman matatakasan ang mga bagay na ito. Tila ang sarili ay nakakulong sa apat na sulok ng isang kahon. Limitado ang bawat galaw at bilang ang bawat hakbang. Alam kong obligasyon ko ito sa mga kaluluwang nakapaligid sa akin. Subalit sa isang banda, masasabi kong hindi ako malaya. Hindi malayang gawin ang mga bagay na lubusang makapagpapaligaya sa akin. Marami nang pagkakataon ang kumatok para maabot ko ang minimithing mga pangarap subalit sa hindi matawarang mga katungkulan, madalas ay kibit-balikat ko na lamang na pinapanood ang pagdaan nito sa aking harapan. Sa mga ganitong okasyon, matinding kalungkutan at pagsisisi ang bumabalot sa akin lalo pa at hindi ko nakasanayang maging bukas sa aking tunay na nararamdaman. Marahil ay dulot na rin ng pangambang baka ako ay hindi maintindihan at hindi mapankinggan. Alam ko na ang sariling hinaing ay wala sa kalingkingan ng sakit na dinarananas ng ating lipunan. Subalit kung ang bawat butil nito ay iipunin, isang tipak ng nagpupumiglas na kalooban ang mabubuo. Kaloobang puno ng katanungang wari ay wala nang katapusan.

Bago ako naging ganap na si Pen Palaboy, nagsimula ako bilang si Penslave. Pen dahil sa hilig ko sa pagsusulat at slave dahil ako ay alipin ng aking panulat. Hindi nagtagal at dumating ako sa panahong kinailangan kong humanap ng kasagutan sa mga tanong na patuloy na namumutawi sa aking pag-iisip. Mga tanong na kahit isulat pa ang buong litanya nito ay hindi matutuldukan ang walang katapusang mga pag-aagam agam. Dahilan upang tumigil ang aking kamay sa paghabi ng mga salita. Sinuyod ko ang bawat kayle at eskinita ng aking kaisipan kasabay ng paglalakbay ng aking mga paa. Paglalakbay na walang eksaktong lugar na pinanggalingan at walang eksaktong patutunguhan. Nakalutang ako. Lango sa problema. Hinayaan kong matuklasan ng mga lumilipas na oras ang bawat sagot sa kumakalampag na mga tanong sa akin. Sa hindi matawarang dahilan, nakatulong ang paglalakbay. Nahanap ko ang mga kasagutan sa mga salitang saan, papaano, kailan at bakit. Sa pagkakataong iyon, muling dumaloy ang natuyo kong tinta. Muli akong kumapit sa panulat at humabi ng salita. Dito isinilang si Pen Palaboy.

Bilang si Pen Palaboy, nasimulan kong ilahad ang lahat ng nasa isipan ko. Lahat ng mga nakabibigat sa kalooban ay unti unti kong napakawalan sa tulong nitong butihing panulat. Noong una ay wala akong pakialam basta't nagsusulat ako sa sariling kagustuhan, bilang outlet at hingahan ng problema. Hindi nagtagal, nagkaroon ako ng mga mambabasa, mga kaibigan at mga tagahanga. Dito, naramdaman ko na kabilang ako sa sirkulo ng bagong mundong ginagalawan ko. Kinagiliwan ko ang mainit nilang pagtanggap. Ang bawat salitang isulat ay katumbas ng tunog ng isang batingaw, nililingon, dinidinig at binibigyang pansin. Masaya ako. Malaya.

Sa mundong pinaghaharian ng kabi-kabilang kurapsyon, trapiko at pagbabago, ako ay tinatawag na DANG. Tahimik at hindi naririnig ang munting tinig. Sa mundo ng salita, larawan at kuro-kuro, ako ay kilala bilang PEN PALABOY. Nilalang na ang tanging sandata ay emosyon bilang sinulid sa bawat salitang hinahabi. Hindi man natamasa ng katawang lupa ang kalayaang inaasam, sa mundong ito ay malayo pa ang mararating ng bawat salita ko. Kasama mo, aangkinin natin ang mundong ito.
-----

0 comments:

Post a Comment